Lumaktaw sa pangunahing content

"Sa Huli", isang maikling kwento ng pagkakaibigan, pagbangon sa problema, at buhay

Sa Huli

Umiiyak, tumatawa, naiinis, nagagalit. Maramdaman niya pa kaya ito? Matapos ang mga pangyayari, huli na ba para maibalik sa dati ang lahat? Magiging maayos pa kaya ulit siya? O tuluyan ng magbabago ang lahat? Yan ang mga tanong na patuloy gumugulo sa kanyang isipan.
Nagulumihanan ang isang batang babae bigla mula sa kalabog na nagmumula sa labas ng kanyang silid. Nagtaka siya kaya't sinubukan niyang silipin kung ano yun ngunit hindi pa man niya tuluyang nabubuksan ang pinto ay narinig niya na ang kanyang ina.  “Sige makakaalis ka na. Sumama ka na sa kabit mo! Tutal dun ka naman masaya eh." sambit ng kanyang ina habang humihikbi. "Matagal ko ng sinasabi sa iyo na walang nga akong kabit. Bakit ba ayaw mong maniwala? Kung sino- sino na lang pinaghihinalaan mo. Pati mga kaibigan ko ay nadadamay na rin sa pagseselos mo." sabi naman ng kanyang ama sa mahinahong paraan. Hindi niya alam kung ano na naman ang pinagmulan ng kanilang pag-aaway. Lagi na lamang sila ganito at paulit-ulit na lang ang pagseselos ng kanyang ina sa mga wala namang katuturan na bagay.
Ang kanyang ina ay sadyang mainitin ang ulo at ang ama naman niya ang kalmado sa kanila. Naghihintay lamang siya ng sandali upang lumabas at kausapin sila ngunit tila gumuho ang kanyang mundo ng marinig niya ang mga katagang iyon mula sa kanyang ama, "Pagod na pagod na ako sa pagseselos mo. Palagi na lamang ganyan. Gusto ko munang magpahinga at magpakalayo ng kahit sandali." Dali-dali siyang lumabas ng pinto upang kausapin ang kanyang ama ukol dito ngunit huli na siya sapagkat ang umiiyak na ina niya na lang ang kanyang naabutan. Wala ng bakas ng kanyang amang pinakamamahal.
Ang batang babae na iyon ay isa nang sikat na manunulat ngayon. Nakatira siya sa isang apartment sa syudad at ang pangalan niya ay Cassandra Coulette o tinatawag din siyang "Cassie". Siya ay isang masiyahin at palakaibigan na babae.
"Isang umaga, may prinsesang nakatira sa isang malayong lugar mula sa palasyo. Siya ay nawalay mula sa kanyang pamilya at wala ng matandaan mula sa kanyang  nakaraan."
"Hindi eh parang pambata naman!" saad niya saka nilukot ang papel at tinapon kung saan. Punong puno na ng papel ang kanyang kwarto ngunit parang wala pa ring pumapasok sa kanyang utak ukol sa ginagawa. Ilang gabi na siyang puyat kakaisip ng bagong kwento at hindi rin niya alam kung paano ito sisimulan. Marami-rami na rin siyang naipalimbag na libro na may magandang kwento at sa pagkakataong ito gusto niyang magsulat ng isang kwento na maihahalintulad niya sa kanyang buhay, magpapakita ng totoong nararamdaman niya, at higit sa lahat isang kwento na kung saan ang mga tao ay magugustuhan ang pagbabasa nito.
Ilang minuto na ang lumipas nang biglang  may pumasok sa kanyang isipan. "Nang dahil nais kong ibase sa buhay ko ang kwento na aking gagawin, isang manunulat na lang rin ang pangunahing karakter ng kwento ko." saad niya. Kaya dali-dali siyang nagsimula at nagsulat. "Isang babae na mahilig magbasa ng libro ang matatanaw sa bintana ng isang bahay. Marahil nakahiligan niya ang pagbabasa ng libro dahil natatakasan niya ang realidad at mayroon itong masayang pagwawakas. Mula dito ay naisipan niyang magsimula na rin magsulat ng sarili niyang kwento. Ngunit isang kwento na magpapakita at magpapamulat sa mga tao sa realidad. At ang isusulat niya ay ang kanyang talambuhay......."
Nakahinga siya ng maluwag matapos masulat ang simula ng kwento. Pinagpatuloy lamang niya ang pagsusulat nang biglang may tumawag sa kanyang telepono. "Kamusta? Mukhang marami kang ginagawa at ngayon mo lang nasagot ang tawag ko" saad ng nasa kabilang linya na kaibigan niya pala. "Huh? Ah pasensya na tutok lamang ang isip ko sa aking sinusulat. Hindi ko namalayan na tumatawag ka pala" sabi naman ni Cassie. "Nga pala nagkayayaan lumabas ngayong sabado, pwede ka ba?" sabi ng kaibigan niya. "Oo naman, sige salamat!" nag-usap pa sila ng sandali ngunit binaba na rin agad sapagkat kailangan niyang makatapos ng ilang kabanata ng kwento upang makasama sa sabado.
Pagsapit ng sabado ng umaga handa na siya dahil ang usapan nila ay alas otso ng umaga aalis na sila. Buong araw ay nagliwaliw lamang sila. Tuwang tuwa siya dahil kasama niya ang kanyang mga kaibigan. Kaibigan na laging nandyan para sa kanya, na laging kaagapay niya, at sigurado siyang hindi siya iiwan. Naisip niya " Bakit hindi ko kaya ito ilagay sa kwento?". Kinabukasan ay maganda ang gising niya sapagkat sariwa pa sa kanya ang mga nangyari kahapon at dahil linggo ngayon ay nagbihis siya upang magsimba. Kahit na siya ay abala sa ibang bagay ay hindi niya pa rin nakakalimutan magsimba. Pagkatapos ng misa ay nanatili muna siya ng sandali at umuwi na.
Pagka-uwi niya sa bahay ay may tumawag sa kanya. Akala niya isa lamang itong kaibigan kaya agad niya itong sinagot. "Kamusta! Bakit ka napatawag?" sa masyang tono ngunit natigilan siya ng marinig ang boses ng kanyang ina. " Anak! Kamusta ka na rin?!" tuwang tuwang sambit ng kanyang ina. Natahimik siya ng sandali ngunit sumagot rin agad "Oh Ma! May kailangan po ba kayo? Ayos lang ako dito"."Wala naman anak gusto lamang kitang kamustahin. Mabuti naman at ayos ka lang" sabi ng kanyang ina ngunit tila may himig ng lungkot ang kanyang pananalita.
Matagal na silang hindi nakakapag-usap at nakakapagkita ng kanyang ina dahil nang magtapos siya ng sekondarya ay kaagad na siyang humiwalay sa kanyang ina at namuhay ng mag-isa. Balewala na sa kanya ang karangyaan kung ito naman ang magpapaalala sa kanya ng mapait niyang nakaraan. Simula noon ay nagpursige siyang makatapos ng kolehiyo at naging isang magaling na manunulat. Siya ay hinahangaan dahil sa ganda ng kanyang mga kwento. Naiiba ito at hindi pangkaraniwan dahil umaabot na sa puntong naiisip mo na kasama ka na sa kwento at nararamdaman mo kung ano ang nararamdaman nila.
Matapos ng pangyayaring iyon ay lumabas siya at pumunta sa lugar kung saan siya lamang ang nakakaalam at ang kanyang kublihan ay sa isang bangin na nakatanaw sa karagatan at ito'y malapit lamang sa siyudad. Umupo siya sa dulo ng bangin at pinagmasdan ang kalangitan. Isang patak ng luha ang tumulo mula sa kanyang mga mata. Bumalik na naman sa kanya ang nakaraan na pilit niya ng kinakalimutan.
"Hay......"
Tila ba may nakabara sa kanyang puso at hindi siya makahinga dala ng kalungkutan. Nanaig ang katahimikan at ang tanging maririnig lamang ay ang mga alon.
Ang lugar na ito ang kanyang puntahan sa tuwing gusto niyang takasan ang mga problema, lungkot, at higit sa lahat, ang realidad. Napatawa na lamang siya sa naisip. "Paano ko maimumulat sa mga tao ang realidad kung ako mismo ay tumatakas mula dito?"
Nanatili muna siya sa lugar na iyon upang linawin ang kanyang isipan at magmuni-muni. Nang pauwi na siya ay madilim na kaya  hindi niya mapigilan ang sarili na mapatingin sa mga bituin. Napangiti na lamang siya ng mapait. "Gustong gusto ko talagang sinasaktan ang sarili ko" at saka tumawa ng mahina.
Nang makauwi siya ay nagbihis at nag-ayos lamang siya ng sandali at saka natulog na. Sa sumunod na araw naman  ay tinuloy niya na ang pagsusulat ng kwento.
" Nagsimula ng magsulat ang babae tungkol sa kanyang sarili. Sa lahat ng pinagdaanan niya ay masasabi niyang sa buhay ng tao, marami kang makakasalamuha. Sinuman ay ang magpapasaya sayo o ang magbibigay sayo ng aral. Ang mga bagay na gagawin nila ang magiging dahilan kung bakit hindi mo sila makakalimutan. Palagi silang tatatak sa isip mo sa ayaw at sa gusto mo. " at patuloy lamang na nagsusulat si Cassie ng kwento.
Nang matapos sa pagsusulat ng ilang kabanata ay nagpahinga lang si Cassie. Naisipan niyang lumabas upang alisin sa isip niya ang nangyari kahapon. Kumain siya sa labas, namasyal, at marami pa siyang ginawa na magpapabaling sa kanyang isipan mula sa nakaraan. Nakita niya ang isang kaibigan ngunit hindi ito nag-iisa dahil kasama nito ang nobyo kaya't naging sandali lang ang kanilang pag-uusap at naghiwalay na rin ng daan. Masaya siya para sa kaibigan dahil nakahanap na ito ng katuwang sa buhay ngunit iniisip niya na sana ay hindi siya iiwan ng nobyo.
 Ngayon ang araw ng kanyang kaarawan ngunit para sa kanya ay isa lamang itong ordinaryong araw. Sanay na siya na hindi ito ipinagdiriwang sapagkat wala na siyang pakielam dito dahil may ibang bagay pa siyang dapat isipin bukod dito kaya't ipinagpatuloy niya na lamang ang pagsusulat sa kwento. Nang magtatanghali na ay nakaramdam siya ng gutom kaya saglit siyang tumigil at pumunta sa kusina upang magluto ng makakain. Matapos ng pagluluto at pagkain ay sandali siyang namahinga. Sa gitna ng pagpapahinga ay natulala siya sa kawalan. Napagtanto niya na hindi na siya bumabata at sapat na ang mga taon na sinayang niya sa pagdadalamhati, "Bakit hindi ako lumabas at magliwaliw. Tutal kaarawan ko naman ngayon."
Pumunta siya isang kilalang mall at doon naglibot. Kapag may nakita siyang maganda ay tinitignan niya muna ang presyo at kung sulit naman ay kaagad niya na itong bibilhin. Sa matagal niyang pamumuhay ng mag-isa ay natutunan niya ng maging praktikal dahil hindi katulad ng dati ang estado niya ngayon. Kahit din naman yumaman ulit siya ay ganun pa rin ang kanyang gagawin sapagkat alam niya na ang pinagkaiba ng pinaghirapan at bigay lamang. Matagal pa siyang naglibot doon hanggang sa dumapo ang tingin niya sa isang tindahan. Isa itong bakery at labis na nakakaanyaya ang amoy nito. Kaya't pumasok siya at nagsimulang magtingin. Nakakaakit ang mga disenyo nito at mukhang masarap ngunit may iisang cake na talagang nakapukaw ng kanyang pansin. Bilog ang hugis nito at puti ang kulay ngunit napapalibutan ng asul na paikot-ikot. May mga bulaklak ito sa ibabaw sa bandang gilid na maaaring makain at tila ba kumikinang ito. Simple lamang ito ngunit iyon ang pinagkaiba nito sa ibang cake kaya't agad niya na itong binili. Habang nagbabayad ay may sumagi sa kanyang isipan ngunit agad niya rin itong inalis. Matapos niyang mabili ang cake ay napagpasyahan na rin niyang umuwi dahil gabi na. Pagkauwi niya ay agad niyang  nilabas ang cake mula sa kahon nito. Tinitigan niya muna ulit ito bago hiniwa at saka kinain. Totoo ngang napagakasarap nito. Nang matapos siya ay niligpit niya na ito at hinugasan. Kinuha niya ang mga pinamili at inayos muna ito bago tumungo sa kanyang silid. Nagpalit na siya ng damit ngunit hindi muna siya natulog. Dahil naging masaya ang kaarawan niya ngayon ay nagsulat siya ng kwento.
"Nagpatuloy ang pagsusulat ng babae at ilang linggo na rin ang lumipas nang magsimula siya. Napagpasyahan niya munang mamahinga ng sandali at magliwaliw. Lumabas siya ng bahay at naglakad lakad sa labas. Nakasalubong niya ang kapitbahay at agad na bumati. Napaisip siya na sana palagi na lang ganoon, sana manatiling tahimik at simple lang ang kanyang buhay. Naglakad- lakad pa siya hanggang sa mapunta siya sa parke sa kanilang lugar. Umupo siya sa isang bench at pinagmasdan ang paligid. Hindi niya namalayan na may tumabi sa kanya kaya nagulat na lamang ito nang kausapin siya nito. Isa itong lalaki na may simpleng pananamit at mukhang nasa edad niya rin ito. Hindi niya maitatangging may itsura ang lalaking ito dahil maraming tumitingin na mga babae sa gawi nito. Ngunit binalewala niya lang ito. Muli siyang kinausap nito kaya sinagot na rin niya ito. Pinag-usapan nila kung gaano kaganda at katahimik sa lugar nila. Nag-uusap pa sila nang biglang kumulimlim kaya napagpasyahan niya ng umuwi at nagpaalam na sa lalaki. Bago pa man siya makaalis at nahablot nito ang kamay niya at tinanong ang kanyang pangalan. Nang makapagpakilala sa isa't isa ay umuwi na siya at saktong pag-uwi ay bumuhos ang malakas na ulan. Natulog na lamang siya at ipinagpatuloy ang pagsusulat kinabukasan."
Patuloy lamang siya sa pagsusulat. Kung hindi man siya makaisip ng isusulat ay maghahanap siya ng inspirasyon para sa kanyang sinusulat. Kasama niya man ang mga kaibigan o siya'y mag-isa lamang. Tumatawag pa rin ang kanyang ina at ganun pa rin siya tila ba may lungkot sa bawat binibitawang salita at si Cassie naman ay malamig pa rin ang pakikitungo sa kanyang ina. Minsan natanong niya sa kanyang isipan, " Ganito na lang ba kami palagi? Kailan kailan kaya kami babalik sa dati? Kung hindi ba nangyari yun, buo pa kaya kami?" yan ang mga pilit gumugulo sa kanyang isipan. Kaya sa tuwing tumatawag ang kanyang ina ay bumabalik ang kanyang mga alaala at ang naiisip niya lamang ay pumunta sa kanyang kublihan.
Dito, nakakatakas siya sa mga nangyayari sa kanya sa siyudad, nakakatakas siya sa realidad. Naisasantabi niya ang kanyang mga alalahanin. Dito, malaya siyang kalimutan ang mga pasanin.
Sa mga lungkot o lumbay idinadaan niya na lamang sa pagngiti, pagtawa, kasama ang mga kaibigan. Ayaw niyang malaman nila na sa likod ng kanyang mga ngiti at pagtawa ay may tinatagong pighati. Pighati na hindi niya maalis mula sa nakaraan at patuloy itong bumabagabag sa kanyang kalooban. Ngunit para saan pa nga ba't naging kaibigan niya sila kung hindi naman nila siya kayang aluin sa mga oras na siya ay malungkot at may dinaramdam. Hindi man alam ni Cassie ngunit matagal ng napapansin ng kanyang mga kaibigan ang mga pasanin niya sa buhay. Matagal na nilang gusto kausapin si Cassie tungkol dito dahil gusto nilang ibalik ang totoong ngiti sa kanyang mukha.
Tahimik lamang siyang nagsusulat, "Mag- isa lamang ang babae at walang kaibigan kaya't labis na lamang ang kanyang saya ng magkaroon siya ng kaibigan. Iyon ay walang iba kundi ang lalaki na nakilala niya sa parke. Sa tuwing pupunta siya sa parke upang magliwaliw ay nakakausap niya ang lalaki at dahil dito kaya nabuo ang pagkakaibigan nila. Masaya sila sa tuwing kasama ang isa't isa dahil nagkakasundo sila sa lahat ng mga bagay. Sinabi nila ang kanilang pinagkaka-abalahan sa isa't isa. Namangha ang lalaki ng malaman na nagsusulat siya ng isang kwento at gustong gusto mabasa ito ngunit sinabi ng babae na hindi pa ito tapos kaya sabi na lamang ng lalaki na maghihintay siyang matapos ito at gusto niyang masaya ang katapusan nito. Dumalas ang kanilang pagkikita sa parke doon mismo sa bench kung saan sila unang nagkakilala kaya't naisip nilang maglagay ng marka dito dahil dito sila nagakakilala. Lumalim ang pagsasamahan nila at hindi niya namamalayan na nahulog na siya sa lalaki."
"Lumipas ang mga buwan at magiging isang taon na mula ng magkakilala sila. Ngunit kapag pumunta siya sa parke ay wala dito ang lalaki. Ilang beses na lamang ganito kaya't nagtaka siya at nag-alala. Nang sinubukan niya ulit pumunta sa parke ay naabutan niya na ang lalaki ngunit parang may mali. Binalak niya sanang umamin dito ngunit mukhang hindi ito ang oras para doon. Agad niya nilapitan ang lalaki at tinanong kung bakit lagi itong wala. Nang makita naman siya ng lalaki ay ngumiti lamang ito at sinabing nagkaroon lang ng maliit na problema sa kanila. Hindi naman naniwala ang babae ngunit hindi niya na pinilit ang lalaki ukol dito. Tinanong siya ng lalaki ukol sa ginagawa nitong kwento. Sabi niya ay malapit na itong matapos kaya't nasabik ang lalaki sa narinig at muling ipinaalala sa kanya na gusto niyang masaya ang katapusan nito, ayaw niya ng malungkot dahil ayaw niyang maiyak dito. Napatawa na lamang ang babae sa narinig. Hindi alam ng lalaki na ang sinusulat ng babae ay ang sariling talambuhay. Nanatili pa sila sa parke ngunit nagpaalam din agad ang lalaki. Lalong nagtaka ang babae dahil siya ang laging unang nagpapaalam hindi ang lalaki at mukhang nagmamadali pa ito. Umuwi na lamang ang babae at ipinagpatuloy ang sinusulat niyang kwento."
Nang maubusan siya ng ideya sa isinusulat na kwento ay naisip niyang magpahinga. Kinabukasan ay sinubukan niyang ituloy ang pagsusulat subalit wala na talagang pumapasok na ideya sa kanyang isipan.
Ngunit hindi niya na pinilit ang sarili at nanahimik na lamang sa isang tabi. Tumawag ang kanyang kaibigan, "Cassie! May ginagawa ka ba?" ngunit hindi pa man siya nakakasagot ay biglang nagsalita nag kanyang kaibigan, "Wala? Mabuti naman!  Kasi may nahanap kaming lugar na maganda pagbakasyunan gusto mo bang sumama? Napakaganda dun, totoo! Saka hindi masyado marami ang tao kasi hindi pa kilala kaya magugustuhan mo. Sama ka na ah? Sige bye!" ngunit bago pa nito mababa ang telepono ay nagsalita na si Cassie, "Teka teka teka, pagsalitain mo muna ako pwede? Kanina ka pa nagdedesisyon paano kung hindi ako pwede aber?"
"Ay hehe pasensya naman po. Pwede ka ba bukas?"
"Hindi." 
 "Weh?"
"Magtatanong ka pero hindi ka maniniwala tsk."
"Hehe biro lang. Pero hindi ka ba talaga pwede? Sayang naman!"
"Biro lang din haha! Pwede ako noh! Kailan ba alis?"
"Sus! Sabi na eh! Sige, bukas ng alas singko ng madaling araw ang alis susunduin ka na lang namin dyan."
"Sige salamat! Kita na lang tayo bukas."
Sa sobrang sabik ay agad siyang nag-empake ng mga damit na gagamitin niya para sa pupuntahan. Naisip niya na maganda itong oportunidad para makalanghap ng sariwang hangin at makahanap ng inspirasyon para sa sinusulat niya.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising kaya't nag-ayos agad siya at siniguradong walang maiiwan na gamit. Nang matapos siya ay saktong dumating ang kanyang mga kaibigan kaya't lumabas na siya ng apartment at kinandado ito at umalis na sila. Inabot ng anim na oras ang kanilang byahe dahil sadyang malayo ang kanilang pupuntahan. Tanghali na nang makarating sila sa destinasyon ay naghanap muna sila ng matutuluyan at hindi naman ito naging mahirap dahil nakapagtingin- tingin na ang kanyang mga kaibigan at may nahanap sila na mura at maayos at magandang lugar na pagtutuluyan. Ang pinuntahan nila ay isang beach at napakaganda dahil literal na puti ang mga buhangin at maraming puno ng buko na nakapalibot sa tabi ng dagat. Hindi lamang dagat ang pwedeng mapuntahan at makita dahil mayroon ding malapit na talon at ilog dito at iyon ang talagang pakay nila dito. Bago nila ayusin ang mga gamit ay kumain muna sila at nagpahinga.
Pagkatapos nun ay nagbihis sila at nagtampisaw sa dagat. Napagdesisyunan nila na ipagpabukas na ang pagpunta sa talon upang makapaghanda pa ng mga pagkain. Masaya ang naging unang araw nila doon kaya't natutuwa siya dahil nakasama siya.
Lahat ng kaibigan niya ay bagsak na dahil sa pagod ngunit hindi niya pinalampas ang pagkakataon na magsulat dahil may ideyang pumasok sa kanyang isipan.
"Labis na nababagabag ang kalooban ng babae dahil alam niyang hindi lamang ito isang maliit na problema. Nakita niya sa mata ng lalaki na tila ba may mabigat itong pasanin. Ilang linggo ang lumipas ng pumunta siya ulit sa parke at ganoon pa rin ang naging akto nito sa harap niya. Sinubukan ulit niya magtanong ngunit iniba lang nito ang usapan. Maaga ulit itong umalis kaya naisipan niyang komprontahin na ito sa susunod nilang pagkikita."
Napatawa siya ng mapagtanto niyang magkaibang- magkaiba ang mararamdaman sa kwento sa nararamdaman niya ngayon. Alam niya na masaya siya ngunit hindi naman ibig sabihin nun ay masaya na rin ang isusulat niya. Yun ang pinaniniwalaan niya. Kapag masaya siya ay doon siya magkakaroon ng inspirasyon na ituloy ang sinusulat niya at doon papasok ang mga ideya para sa kanyang kwento.
Kinabukasan ay maaga silang naghanda ng mga pagkain at gamit na dadalhin nila. Nang matapos ay agad silang dumiretso sa talon ngunit hindi mo agad makikita ang talon at kailangan mo pang maglakad ng mahigit kalahating kilometro upang marating ito. Nang makarating sila ay talagang namangha sila ng makita ito. Ang talon ay napapalibutan ng mga puno dahil sa gitna ito ng kagubatan. Mataas ito ngunit malumanay lamang ang pag-agos  nito. Malaki ang sakop ng pinagbabagsakan ng tubig nito kaya't malaya silang makakalangoy dito. Ang iba ay sabik na pumunta sa tubig at ang iba naman ay naiwan sa tabi para ayusin ang mga dala nila kasama na rito si Cassie. Pagkatapos nila ay nanatili lamang siya roon at pinagmasdan ang paligid. Sumali na rin naman siya ng tawagin siya ng mga kaibigan. Nagtagal sila hanggang hapon doon at umalis na rin ng dumidilim na. Nalungkot sila sapagkat ito na rin ang huling araw nila sa lugar at kinabukasan ay aalis na rin sila. Marami silang nabuong alaala dito kaya't hindi nila makakalimutan ang lugar na ito. Pagkabalik sa tinutulyan nila ay sinulit nila ang oras nila dito kaya't nag-ayos sila ng bonfire sila sa tabi ng dagat. Nag-usap usap sila tungkol sa mga buhay nila, sa mga problema nila ngunit si Cassie ay nanatili lang na tahimik at nakikinig kaya tinanong siya kung may bumabagabag ba sa kanya ngunit ngumiti lang siya at sinabing wala.
"Basta kung may problema ka man huwag na huwag kang mahihiyang lumapit sa amin at hindi kami mawawala sa tabi mo." saad ng isa sa kanyang mga kaibigan at saka ngumiti. Gumaan ang loob niya sa sinabi ng kaibigan.
Natapos ang araw ng may ngiti sa kanilang mga labi. Nang sumunod na araw ay nahuli na siya ng gising. Sumisikat na ang araw at narinig niya ang ingay ng mga kasama. Napatawa na lang siya at nag-ayos na rin. Nakaalis na sila ng tanghali at nakauwi ng gabi. Pagkauwi ay natulog siya agad dahil na rin sa pagod.
Dumaan ang ilang linggo at nagpatuloy lamang siya sa kanyang buhay. Nagsusulat pa rin siya ng kanyang kwento ngunit ngayon ay malapit na itong matapos.
"Akala ng babae ay makikita niya ang lalaki sa susunod niyang pagpunta sa parke ngunit isang sobre lamang ang naabutan niya sa lugar kung saan sila namamalagi. Napatitig muna siya rito bago kuhanin at saka binuksan. Tumulo ang luha niya ng makita ang laman ng sobre. Isa itong larawan ng isang lalaki na maraming nakakabit na tubo sa katawan at ang lalaking iyon ay walang iba kung hindi ang kaibigan niya. May lumapit sa kanya na isang babae at bakas na ang katandaan sa mukha. Kinausap siya nito at nalaman niyang ina ito ng lalaki. Kwinento ng ina ang nangyari sa lalaki. Alam ng ina na masakit makita ang larawan na ito ngunit ito ang napili niya upang makita ng babae kung ano talaga ang nangyari sa lalaki. Kaya pala hindi na nakakapunta ang lalaki ay dahil hirap na ito sa sakit. Pumunta lamang daw lalaki upang makita kung ayos lamang ang babae at para magpaalam na rin ngunit hindi daw nito nagawa dahil ayaw nitong mapalitan ng lungkot ang saya sa mukha ng babae. Gustong ng ina na malaman ng babae na pinilit lumayo ng lalaki dahil ayaw niyang masaktan ang babae ngunit hindi nito kaya ng hindi nakikita ang ngiti ng babae. Hindi aakalain ng babae na ang pag-uusap nila noong nakaraan ay ang huli na rin nilang pagkikita dahil pagkauwi raw nito ay bigla na lamang itong bumagsak kaya't agad nilang itinakbo sa ospital ngunit wala na. Hindi na nito maibabalik ang buhay ng lalaki."
Matapos magsulat ay nagpahinga at pumunta muli siya sa kanyang kublihan. Habang nakaupo sa dulo ng bangin ay naalala niya ulit ang kanyang ama, ang mga masasayang alaala na binuo nila ng kasama siya. Sa dati nilang bahay ay palagi silang umaakyat sa bubong upang pagmasdan ang kalangitan sa tuwing gabi. Bumubuo sila ng mga hugis gamit ang mga bituin at sa tuwing kaarawan niya ay ginagawa siya ng keyk ng kanyang ama at sinusurpresa siya. Sa tuwing bakasyon ay palagi silang umaalis at pumunta sa mga hindi kilalang lugar. Parehas nilang gusto ang mga kakaibang karanasan. Lahat ng iyon ay kasama niya ang kanyang ama na ngayon ay iniwan sila. Ang buong akala niya ay babalik pa ito ngunit ilang taon na ang lumipas ngunit hindi ito nagparamdam, ni bakas nito ay wala. Labis siyang nalungkot dito kaya ganito na lamang siya umasta.
Naghagis siya ng bato sa karagatan at sumigaw. Nilabas niya lahat ng dinadamdam niya. Nang mapagod ay tumigil siya saglit nahiga roon. Wala na siyang pake kung madumi ba ito. Sunod-sunod na pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata at doon niya nailabas lahat ng hinanakit niya. Ngayon lamang siya lumuha dahil naisip niya noon na hindi maibabalik ng luha niya ang kanyang ama. Nabawasan ang bigat sa kanyang dibdib.
Matapos ang araw na iyon ay nagpatuloy lang siya sa kwento at habang nagsusulat siya ng kwento, "Ang babae ay patuloy lamang na umiyak dahil alam niyang huli na ang lahat. Hindi niya na maibabalik ang mga nawala at hindi niya alam kung magiging maayos pa ulit ang lahat. Umiyak pa siyang lalo ng maisip niyang hindi niya na matutuloy ang sinulat na kwento dahil alam niyang hindi gugustuhin ng lalaki na ganito ang maging katapusan ng kwento. Masakit isipin na hindi na niya naabutan ang lalaki ngunit may ulit na sobre ang ina ng lalaki, sa pagkakataong ito galing na ito sa lalaki. Nakasaad dito kung gaano ito kasaya ng makilala ang babae at kung gaano ito kasabik na mabasa ang kwentong sinusulat ng babae. Sinabi rin dito ng lalaki na kahit anong mangyari ay ituloy nito kwento at ang buhay nito kahit na wala na siya. Wala man siya pisikal ngunit lagi itong gagabay sa kanya nasaan man siya ngayon."
"Iyon nga ang ginawa ng babae. Ipinagpatuloy niya ang buhay at ang kwento. Natapos nito ang kwento ng may masayang katapusan tulad ng gusto ng lalaki. Napangiti ang babae ng isara ang libro na naglalaman ng pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, ang alaala niya kasama ang lalaki. Ngayon masasabi niya ng, Sa huli siya ay masaya, Sa huli, siya ay malaya, malaya mula sa mga masasakit na alaala at ngayon ay namumuhay na ng masaya."
At doon nagtapos ang kwentong sinusulat niya. Naisip niya, siya rin, gusto niya rin masabi iyon, gusto niya rin maging malaya at maging masaya sa huli, malaya sa masakit na nakaraan at masaya sa kasalukuyan hanggang hinaharap.
Biglang may tumawag na naman sa kanya. Inis niyang kinuha ang kanyang telepono  dahil kanina pa ito tumatawag sa kanya habang nagsusulat siya. Sinagot niya ang tawag, "Hello! CASSIE anak! Nako jusko po!" ang bumungad sa kanya. Nagtaka siya kung sino ito kaya't tinanong niya "Uhm sino po sila?" "Ako ito! Si Tita Abelle mo! Sinugod sa hospital ang iyong ina!" at sa pangalawang beses tila gumuho na naman ang mundo niya mula sa narinig. Pinatay niya ang tawag at dali-daling umalis ng bahay papunta sa hospital. Habang papunta sa hospital ay tuloy-tuloy lamang ang tulo ng kanyang luha kahit anong punas ay hindi siya tumitigil sa pagluha. "Huli na ba talaga ang lahat? Hindi na ba talaga niya maibabalik sa dati ang lahat? Matapos nito, maging buo pa kaya ulit ako?" sambit niya sa garagal na tinig. Natigil siya ng makita niya ang kanilang sasakayan......

*screeeechhhh!!*  "Ma..."  Bam!!!!

Nakita ng batang babae na nagmamadaling umalis ang kanyang ina ng kwarto matapos makuha lahat ng pera mula sa pinagtataguan nila. Ngunit hindi pa man nakakalayo ay biglang may nagsalita muka sa kanyang likod "San ka na naman pupunta? At ano yang dala mo?" habang papalapit ang kanyang ama sa kanyang ina. "Huh? Eto? Ah wala wala may dadaanan lang ako tapos uuwi rin ako agad" tila balisang sabi ng kanyang ina. Kumunot ang noo ng kanyang "Disoras ng gabi lalabas ka? Para saan?" tanong ng kanyang ama. "Sinabi ko ngang wala lang may dadaanan lang ako!"
"Eh bakit ka ba nagagalit samantalang ako ay nagtatanong lamang?" at saka hinablot ng kanyang ama ang dala-dala ng ina. Labis na nagulat ito sa nakita "Bakit dala mo ito? Ano? Magcacasino ka na naman? Alam mo ba ang hirap na dinaranas sa tuwing nawawalay ako sa inyo para magtrabaho? Sa tuwing mag-isa lamang ako at wala kayo? Huh?"
"Huh! Hirap? Eh nagpapakasaya ka lang naman kasama ang kabit mo eh. Kaya nga palagi kang wala dito kasi nandun ka sa kanya!" galit na sabi ng kanyang ina. "Kabit? Sinong kabit? Nagtatrabaho ako para sa inyo! Para sa iyo, para sa anak natin!"
"Nagmamaang-maangan ka pa eh totoo naman eh! Sa kanya ka pumupunta hindi sa trabaho mo!"
"Bakit ba ang kitid ng utak mo? Ilang beses ko ba dapat sabihin sayo na wala akong kabit!" Tila nagulat ang kanyang ina sa sinabi ng asawa. Napangisi na lang ito at sinabing " Sige makakaalis ka na. Sumama ka na sa kabit mo! Tutal dun ka naman masaya eh." sambit ng kanyang ina habang humihikbi. "Matagal ko ng sinasabi sa iyo na walang nga akong kabit. Bakit ba ayaw mong maniwala? Kung sino- sino na lang pinaghihinalaan mo. Pati mga kaibigan ko ay nadadamay na rin sa pagseselos mo." sabi naman ng kanyang ama sa mahinahong paraan. Hindi niya alam kung ano na naman ang pinagmulan ng kanilang pag-aaway. Lagi na lamang sila ganito at paulit-ulit na lang ang pagseselos ng kanyang ina sa mga wala namang katuturan na bagay.
Ang kanyang ina ay sadyang mainitin ang ulo at ang ama naman niya ang kalmado sa kanila. Naghihintay lamang siya ng sandali upang lumabas at kausapin sila ngunit tila gumuho ang kanyang mundo ng marinig niya ang mga katagang iyon mula sa kanyang ama, "Pagod na pagod na ako sa pagseselos mo. Palagi na lamang ganyan. Gusto ko munang magpahinga at magpakalayo ng kahit sandali." Dali-dali siyang lumabas ng pinto upang kausapin ang kanyang ama ukol dito ngunit huli na siya sapagkat ang umiiyak na ina niya na lang ang kanyang naabutan. Wala ng bakas ng kanyang amang pinakamamahal.
Pagkatapos nun ay naghintay siya ng ilang araw para sa kanyang ama, umaasang babalik pa ito. Ngunit umabot na ng isang buwan ay wala pa rin ito hanggang sa naging taon at hanggang sa napagpasyahan na ng ina na lumipat ng tirahan dahil ang bahay na iyon ay magkasamang pinundar ng kanyang ina at ama at ito lamang ay nagpapa-alala sa kanila ng masakit nilang nakaraan.
Habang papalapit na sa hospital ay nabangga ang sinasakyan niya kaya isinugod din siya sa hospital kung nasaan ang kanyang ina. Ayos lang naman pala ang kanyang ina dahil hindi naman malala ang nangyari sa kanya. Siya naman ay ilang araw lamang nanatili sa hospital at nakalabas na rin. Hindi niya na pinalampas ang pagkakataon at kinausap ang ina. Matagal na niyang pinatawad ang ina ngunit hindi niya lang matanggap sa sarili niya. Isinaman niya ang ina sa kanyang apartment. Kinausap na rin siya ng kanyang mga kaibigan ukol dito ngunit naipaliwanag niya na ayos na sila ng kanyang ina. Masaya siya sa kinalabasan ng mga pangyayari at ngayon, masasabi ng mga kaibigan niya na totoo na ang mga ngiti at tawa niya, hindi na siya nagpapanggap na masaya lamang.

Naglakad siya patungo sa dulo ng bangin. "Ito na siguro ang huling punta ko rito. Natutuwa ako dahil nahanap ko ang lugar na ito. Ilang beses ko rin itong naging kanlungan. Ngunit sa ngayon ako na ay magpapaalam dahil kung gusto ko ipagpatuloy ang aking kwento at kung ang nais ko ay ipamulat ang mga tao sa realidad gamit ang aking sinusulat ay marapat na lang na simulan ko sa sarili ko. Kung patuloy akong pupunta rito upang tumakas sa realidad, paano ko pa sila maimumulat mula rito?" napangiti na lang siya sa sinabi. Sandali pa siyang tumitig sa karagatan nang may tumawag sa kanya, "Anak! Halika na malamang ay naghihintay na sila doon" sabi sa kanya ng kanyang ina ng may ngiti sa labi at sa pagkakataong ito, wala ng himig ng lungkot sa bawat salita. Tinignan niya pang muli ang karagatan saka tumalikod at lumakad palayo. Tuluyan ng umalis at hindi na babalik muli. Sa pag-alis ay iniwan niya na ang pantasiya at mga imahinasyon at tumungo na sa realidad at hamon ng buhay.

At siya naman ang magsasabi ngayon, Sa huli, siya ay nagwagi, siya ay nakawala na sa masakit na nakaraan at tumungo sa kasiyahan ng kasalukuyan.





Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

"Puti o Kayumanggi?", isang sanaysay tungkol sa Racism

“PUTI O KAYUMANGGI?”                         Uso na ang mga pampaputi o tinatawag na “Glutathione” sa panahaon ngayon. Halos lahat ay gustong gusto ito dahil kapag ikaw ay maputi mataas ang tingin sayo ng mga tao sapagkat ikaw ay katulad na ng mga puti o Amerikano na mataas ang antas sa lipunan. Ito ay parang isang lason na kumalat na sa buong mundo dahil sa masama nitong epekto sa mga tao at nagiging minsang dahilan ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga lahi.             Ang mundo ay nahahati sa iba’t ibang lahi at kung hindi mamasamain ay pati na rin sa kulay. Sa Hilagang Amerika, Europa, Australya o ang mga puti at sa Asya, Aprika, Timog Amerika o mga kayumanggi. Ang mga kayumanggi ay labis na humahanga sa mga puti na nagiging dahilan ng pagtaas ng kanilang antas sa lipunan. Ang puting kulay ng balat, sa kasalukuyan, ay sumisimbolo n...

"Ang Kontrabida", isang tugmang tula tungkol sa Isyung Panlipunan

“ANG KONTRABIDA” Terorismo, korupsyon, at mga patayan Ilan lamng sa mga balakid ng bayan Ito ay hadlang din sa kapayapaan Ng bansa na atin na ay sinilangan Nababahala na’t nais tanungin Ito na ba talaga ang bansa natin? Puro na lamang problema’t suliranin Ano na ba ang mga dapat nating gawin? Ito ay maituturing na kaaway Ang tanging hadlang sa ating pamumuhay Ang lagi na lang sumisira sa tulay, Tulay na nagtutungo sa’ting tagumpay Ang syang laging sumasalungat sa bansa Kontra sa kaunlarang matatamasa Ngunit hindi mawawalan ng pag-asa Hangga’t may hininga pa na ibubuga Hadlang sa pag-unlad, sugpuin na dapat Ito’y lilipulin, ng patas at tapat Kung may dugong tumulo, benda’y ilapat Hangga’t sa hindi pa man huli ang lahat Bumalik sa Kalipulan ng mga Tula (Mga Malikhaing Kamay)

"Malaya", isang malayang tula tungkol sa Pilipinas

 “MALAYA” Isang malayang tula tungkol sa Pilipinas Hindi alam kung paano sisimulan Pagpapakilala, sa bayang kinalakihan Na sa huli ri’y magiging hantungan Ng mga mamamayang dito’y nanirahan Sa lupang sinilangan, Namumuhay ng may karangalan Lahat ay may kakayahan Na gawin ang kanilang kagustuhan Mga bata’y nagkalat sa lansangan Upang maglaro’t makipaghabulan Mga matatanda’y nagkakasiyahan Sa gabi, tuwing may okasyon man Ang bansa ay Malaya Kaya’t mga tao ay maligaya Tila ba’y mga tala Kislap ng mga ngiti’y nakakaanyaya Ikaw ay Malaya Ipahayag ang kataga Kaya ‘wag kang mangamba Na sambitin ang nadarama Bumalik sa Kalipulan ng mga Tula (Mga Malikhaing Kamay)